CIDG tutukuyin ‘nagsubo’ ng maling info kay Aplasca

Sa Senate shooting
MANILA, Philippines — Tutukuyin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung sino ang umano’y nagbigay ng maling impormasyon kay suspendidong Senate Sergeant-at-Arms chief si Mao Aplasca noong Mayo 13 na nauwi sa insidente ng pamamaril sa Senado.
Ayon kay CIDG director PMGen. Robert Morico II, bahagi ng kanilang imbestigasyon na matukoy kung sino ang nagbigay kay Aplasca ng impresyon na inaatake ang Senado, kaya naghanda ang mga security personnel para sa anumang insidente ng barilan. Iniutos din umano ni Aplasca sa mga tauhan na “lock and load” bago naganap ang pamamaril.
“Tinatawag namin itong panic firing. Inakala nilang lulusubin sila dahil tuluy-tuloy ang putok ng baril. Ang naging impresyon ay marami ang lumulusob, pero wala namang sumugod,” ani Morico.
Bukod kina Aplasca at dalawang tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na naunang nasangkot sa insidente, sinabi ni Morico na iniimbestigahan din ang iba pang indibidwal na posibleng nag-ambag sa maling paniniwalang inaatake ang Senado.
Naniniwala si Morico na hindi lamang si Aplasca ang dapat na masisi kundi ang nag-utos at nagbigay ng maling impormasyon.
- Latest



















