Metro Manila residents pinagsusuot ng face mask vs smog
MANILA, Philippines — Dahilan sa ‘smog’ o maruming kalidad ng hangin, pinayuhan nitong Martes ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga residente sa Metro Manila na magsuot ng face mask kung lalabas ng bahay.
Sa inisyung advisory ng OCD-National Capital Region, ang kanilang kautusan ay bunsod ng resulta sa monitoring stations na may polusyon ang hangin sa MM na malaking epekto sa kalusugan ng tao.
Una rito, inabisuhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang publiko na mag-ingat sa mapaminsalang ‘air pollutants’ matapos na masunog ang Sanitary Landfill sa Navotas City noong Sabado.
Payo ng OCD, dapat na magsuot ng N95 mask ang mga residente na lalabas ng bahay, mga bata, matatanda, mga buntis, may hika o mahina ang baga at maging ang may chronic obstructive pulmonary disease (COPD).
Sa kasalukuyan ay nakaalerto ang tanggapan ng Regional Disaster Risk Reduction Councils na patuloy ang monitoring sa smog sa MM.
- Latest




















