Hepe ng SAICT, sinibak sa hinarang na on-duty ambulansiya sa EDSA Busway

MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y pagharang sa isang on-duty na ambulansya sa EDSA Busway nitong Lunes ay sinibak sa puwesto ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang hepe ng Special Action Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na si Rayson Dela Torre.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), napaulat na pinahinto ang ambulansya sa EDSA Busway Santolan Station dahil magdadala ito ng pasyente para sa regular na medical check-up at hindi emergency. Sakay umano ng ambulansya ang isang pasyenteng may stage 4 cancer.
“Hindi po natin tatanggapin na rason ‘yung nagpacheck-up ‘yung pasahero sapagkat eto naman po ay naka-schedule sa kani-kanilang ospital na pupuntahan. Ang papayagan na lang po natin ay iyong mga nag-aagaw buhay ng mga pasyente,” pahayag umano ni Dela Torre ayon sa kautusan.
Nilinaw ni Lopez na pinapayagan pa rin ang lahat ng on-duty ambulansya na gumamit ng busway, anuman ang kondisyon ng pasyente.
Pinagpapaliwanag si Dela Torre sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi siya dapat patawan ng disciplinary action, at sinibak na rin habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Inatasan din ni Lopez ang reorientation ng mga personnel na nakatalaga sa EDSA Busway upang maiwasan ang ganitong insidente.
- Latest





















