Cashless system sa EDSA busway mas pinalakas dahil sa libreng Wi-Fi

MANILA, Philippines — Mas pinadali na para sa mga komyuter ng EDSA Busway ang pagbabayad ng pamasahe gamit ang GCash at iba pang digital wallets matapos ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang libreng Wi-Fi sa mga piling istasyon nito.
Ang naturang inisyatibo ay magagamit sa 17 na istasyon bilang suporta sa isinusulong ng pamahalaan na cashless public transport. Dahil dito, agad nang magagamit ng mga pasahero ang kanilang e-wallets pagdating sa mga terminal kahit hindi na nila gamitin ang kani-kanilang mga mobile data.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, direktang sinusuportahan ng libreng Wi-Fi ang cashless payment system na inilunsad noong Disyembre gamit ang GCash QR codes at iba pang electronic wallets bilang alternatibong paraan ng pagbabayad.
Sa bagong konektibidad, hindi na kailangan ng mga komyuter ang prepaid data o stable na personal signal upang makumpleto ang kanilang digital transactions.
“When you arrive at the station and pay through GCash or other wallets, you don’t need to use your own mobile data,” sabi ni Lopez.
Idiniin din nito na inaalis ng nasabing programa ang karaniwang balakid sa paggamit ng cashless payments.
Ayon naman kay DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, idinisenyo ang unang rollout upang unahin ang mahahalagang digital services lalo na ang access sa electronic payment platforms. Binigyang-diin niya na tinitiyak ng libreng Wi-Fi na mabubuksan ng mga komyuter ang kanilang mga wallet app, makumpleto ang kanilang mga transaksiyon, at makakonekta nang tuluy-tuloy habang naghihintay ng masasakyang bus.
Sa kasalukuyan, available ang “Free Wi-Fi for All” service sa 17 EDSA Busway stations, kabilang ang Balintawak, SM North EDSA, Quezon Avenue, Santolan, Ortigas, Guadalupe, Ayala, at SM Mall of Asia. Gumagana ang sistema gamit ang mobile data na suportado ng Starlink satellite connectivity.
Ayon sa mga opisyal, ia-upgrade ang network sa fiber-optic technology pagsapit ng Marso 2026 na inaasahang magpapabilis at magpapahusay sa reliability ng koneksyon at lalo pang magpapatibay sa cashless fare collection sa buong busway.
Ang naturang inisyatiba ay bahagi ng mas malawak na programa at misyon ng gobyerno at GCash na i-modernize ang public transport sa pamamagitan ng pagsasama ng connectivity at digital payments sa araw-araw na biyahe. (Contributed story)
- Latest




















