Sa biyahe ng basura sa San Mateo landfill, garbage fee itinaas – Isko
MANILA, Philippines — Ang mahabang biyahe ng basura sa San Mateo, Rizal ang isa sa mga dahilan ng pagtataas ng garbage fee sa Maynila.
Ito naman ang paliwanag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos na umalma ang ilang mga negosyante sa dagdag na singil sa garbage fee.
Ayon kay Domagoso, simula nang isara ang Navotas Landfill at iutos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagtatapon ng basura sa San Mateo, Rizal, kinailangan ding magkaroon ng adjustment sa pagbabayad ng hauling fee.
Sinabi ni Domagoso na ang dating 10 kilometro na binabiyahe ng mga garbage trucks sa Navotas ay napalitan halos 30 kilometro papuntang San Mateo, Rizal. Indikasyon ng pagtaas ng 200 porsiyento sa hauling distance.
Aniya, mas mahaba ang biyahe, mas maraming gasolina ang makokonsumo. Ito’y bukod pa sa operational cost at logistics challenges kabilang ang kakulangan ng mga tauhan kaya itinaas ang binabayarang garbage fees ng mga business establishments.
Bunsod nito, umapela si Domagoso ng pang-unawa sa mga negosyante kung saan mas mahalaga ang kalinisan at kaayusan ng lungsod.
- Latest





















