Plaka ng nakumpiskang luxury car ni Zaldy Co, peke - HPG

MANILA, Philippines — Peke ang plaka ng isa sa mga luxury car na pag-aari ni dating Ako Bicol Partylist Cong. Zaldy Co na nakuha sa parking ng isang condominium sa BGC, Taguig City.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni Philippine National Police-Highway Patrol Group Director PBGen. Hansel Marantan, lumitaw na peke ang temporary plate sa isinagawang macro-etching examination.
Nabatid na sa ibang pangalan nakarehistro ang nakumpiskang luxury car. Ang naturang sasakyan ay nasa kustodiya na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Inaalam pa ang ugnayan ni Co sa driver ng sasakyan na may-ari ng plaka habang nakipag-ugnayan naman ang HPG sa Land Transportation Office (LTO) para sa pagsasampa ng dagdag na reklamo kay Co.
Samantala, sinabi pa ng HPG na may lead na sila kung saan mahahanap ang nasa 10 pang luxury cars ni Co. Mayroon na rin silang mga natanggap ng “filler” sa mga handang magsuko ng sasakyan.
- Latest


















