Onsehan sa droga: Pinsan, ipinapatay ng kaanak
MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang motibo ng pamamaslang sa isang 21-anyos na binata at pagkasugat ng pinsan nito matapos na pagbabarilin ng dalawang lalaki na umano’y kasabwat ng kanilang kaanak sa pagtutulak ng droga sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.
Dead-on-the-spot si alyas “Vince”, construction worker, habang sugatan naman ang pinsan nitong si alyas “Richard” 36, na kapwa residente ng Sto. Niño St. Brgy. Payatas, Quezon City.
Agad namang naaresto ang pinsan ng mga biktima na si alyas “Ryan” habang tinutugis pa ang mga kasabwat nito na sina alyas “Rodolf” at alyas “Gorio”.
Sa ulat ng Payatas Bagong Silang Police Station (PS-13) ng Quezon City Police District (QCPD), alas-8 ng gabi nitong Sabado, nang maganap ang pamamaril sa kanto ng Sierra Madre at Majaas Sts., sa Brgy. Payatas.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PSSg. Ariel S. Traspe na pinuntahan ng mga biktima sa Sierra Madre St. ang pinsan na si Ryan, 41, at pinag-usapan umano ang kanilang trabaho. Matapos ang pag-uusap ay lumabas na ng bahay ang mga biktima, kasama si Ryan nang makasalubong sina Rodolf at Gorio. Dito na pinaputukan nina Rodolf at Gorio ang mga biktima saka mabilis na tumakas.
Isinugod si Vince sa East Avenue Medical Center pero idineklara na itong dead-on-arrival habang patuloy pang inoobserbahan ang pinsan na si Richard sa Rosario Maclang Hospital.
Sa follow-up operations ng PS 13, sa pamumuno ni PLt. Steve M. Maico, naaresto ang pinsang si Ryan, habang tinutugis pa ang umano’y mga kasabwat na sina Rodolf at Gorio.
Hinala ng pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga ang insidente dahil may naunang kasong paglabag sa RA 9165 na isinampa noong Abril 12, 2019 at PD 1602 noong Disyembre 4, 2024 ang suspek at pinsan na si Ryan.
- Latest






















