Onsehan sa droga: 2 lalaki tinodas

MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong suspek ang dalawang lalaki sa harap ng isang tindahan sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Dead-on-the-spot ang isa sa mga biktima habang naisugod pa sa pagamutan ang isa pa, ngunit binawian rin ng buhay bunsod ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Natukoy naman na umano ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Police Station 13 ang pagkakakilanlan ng mga suspek ngunit tumanggi munang isapubliko ito upang hindi makaapekto sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Batay sa ulat, madaling araw ng Lunes nang maganap ang krimen, malapit sa Dael Covered Court sa Baseco Compound, Tondo, na sakop ng Brgy. 649.
Ayon kay Brgy. Kagawad Edgar Compañero, bago ang krimen ay nakarinig ang mga residente sa lugar ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nang alamin kung ano ang nangyari, dito na nadiskubre ng mga residente ang mga biktima, na nakabulagta sa harap ng isang tindahan doon.
Nabatid na limitado ang CCTV camera ng barangay kaya hindi nakuhanan ang krimen.
Sinabi naman ni Compañero na posibleng onsehan sa droga ang dahilan ng pamamaril ngunit iniimbestigahan pa ito ng mga awtoridad.
Nagsasagawa na rin ng malawakang manhunt at backtracking operation ang pulisya para sa agarang ikaaaresto ng mga suspek.
- Latest

























