14 tirador ng kable, timbog sa 2-minute response ng QCPD
MANILA, Philippines — Kalaboso ang nasa 14 katao na pawang tirador ng kable sa isinagawang 2-minute response kung saan nabawi ang nasa higit P2 milyong halaga ng cable wires sa isinagawang follow up operation sa Cubao, Quezon City.
Ayon kay QCPD Acting Director PCol Randy Glenn Silvio,nakilala ang mga suspek na sina “Alejandre”, 56; “Joshua”, 28; “Harimon”, 20; “Carlo”; “Jefferson”, 19; “Danilo”, 54; “Anderson”, 27; “John”, 27; “Barmeo”, 32; “Jeffrey”, 21; “Ranie”, 39; “Julius”, 29; “Louie”, 50; at “Ben”, 47.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang mga tauhan ng Cubao Police Station (PS 7) sa pamumuno ni PLtCol. Ramon Czar Solas nang respondehan ang tawag ng isang residente.
Bandang alas-3:40 ng madaling araw nitong Linggo nang makatanggap ng tawag ang Brgy. San Roque hinggil sa grupo ng mga kalalakihan na namataang nagbababa ng cable wires mula sa isang truck sa Mirasol Street corner 20th Avenue, Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City.
Agad na dumating ang mga pulis at dinatnan ang isang 6-wheeler aluminum van na nagbababa ng mga kable.
Inaresto ang mga suspek at nakuha sa mga ito ang nasa 147 meters cable wires na nagkakahalaga ng P2,461,759.00, isang hacksaw, chain at 6-wheeler Canter aluminum truck.
Sa isinagawang Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system, lumitaw na sina ‘Alejandre’, ‘Joshua’, ‘Carlo’, ‘Danilo’, ‘John’, “Louie’, ‘Julius’ at ‘Ben’ ay mayroon nang criminal records.
Sasampahan ang mga ito ng paglabag sa R.A. 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
- Latest