Karpintero, tinepok ng kaalitan
MANILA, Philippines — Isang karpintero ang patay nang pagsasaksakin ng lalaking nakaalitan niya sa kalsada sa Tondo, Manila, kamakalawa ng hapon.
Tinangka pa ng mga doktor ng Tondo Medical Center na isalba ang biktimang si alyas “Noel,” 46, ng Raxabago St., Tondo, ngunit binawian din ng buhay dahil sa tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Arestado naman ang suspek na si alyas “Roy”, 32, na residente ng Caloocan City matapos na makilala ng anak ng biktima.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa Capulong St., sa Tondo.
Sa salaysay ng suspek, sinabi nito na nagawa niyang abangan at pagsasaksakin ang biktima dahil bigla umano siyang hinampas nito sa likod.
Kasong murder ang kakaharapin ng suspek sa piskalya.
- Latest