P10 bilyong shabu sa fishing vessel, buking

MANILA, Philippines — Umaabot sa P10 bilyon ang halaga ng shabu na nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Navy (PN) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang fishing vessel kahapon ng madaling araw sa karagatan ng Zambales.
Ayon kay PN spokesperson Captain John Percie Alcos, bandang ala-1:30 ng madaling araw nang inspeksiyunin ng mga tauhan ng Northern Luzon Naval Command (NLNC) at PDEA ang nasabing fishing vessel makaraang makatanggap ng tip na may karga itong kontrabando. Nasa 50 sako ang nakuha ng mga awtoridad.
Bumulaga sa mga awtoridad ang nasa 1.5 tonelada ng shabu na nakakarga sa fishing boat na minamanduhan umano ng mga foreign nationals.
Agad na dinala ang mga illegal drugs sa Naval Operating Base sa Subic para sa documentation.
“This is one of the largest illegal drug apprehensions in the history of the Philippine Navy in support of the National Government’s campaign against prohibited substances,” ani Alcos.
Simula pa noong nakaraang buwan ay sunud-sunod ang mga nasasamsam na mga iligal na droga sa West Philippine Sea.
Ayon sa PDEA, posibleng may koneksiyon ito sa international criminal syndicate na “Sam Gor”, na kumikilos sa iba’t ibang bansa sa Asia-Pacific region, kabilang ang Pilipinas.
- Latest