Cash reserves ng Manila LGU ubos na?

MANILA, Philippines — Pinangangambahan ng mga empleyado na ubos na umano ang cash reserves ng city treasurer ng Manila City hall kaya posibleng kapusin na ang pagpapasuweldo sa kanila hanggang Disyembre.
Ayon sa mga empleyado, marami pa sa kanila ang hindi nakakasahod at wala naman umanong sinasabing dahilan si Manila Mayor Honey Lacuna.
Nabatid na umaabot sa P1.4 bilyon ang halagang kailangang pasahod sa mga kawani ng pamahalaang lungsod iniwang nakanganga.
Ilang araw na nagbakasyon at nagpahinga si Lacuna matapos ang eleksiyon.
Maging ang mga pambabayad sa mga supplies na ginagamit sa araw-araw na operasyon ng pamahalaang local ay hindi pa rin umano nababayaran.
Una nang sinabi ni Manila Mayor-elect Isko Moreno na lumitaw sa imbestigasyon ng kanyang team na baon sa daan-daang milyong pisong utang ang pamahalaang lungsod sa kontraktor ng basura, mga kompanyang kinuhanan ng supplies at iba pang serbisyo.
Tiniyak naman ni Moreno na reresolbahin ng kanyang administrasyon ang mga kakulangan at ibabalik ang mga hindi naibigay sa mga seniors at estudyante ng Unibersidad ng Maynila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
- Latest