Hotel sa Quezon City na nagpapasok ng menor-de-edad, pinadlock

MANILA, Philippines — Pinadlock ng Quezon City LGU sa pamamagitan ng QC Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang MC Hotel (Maxmuller, Inc) na matatagpuan sa Brgy. Novaliches Proper dahil sa pagpapasok ng mga menor-de-edad.
Ito’y kasunod ng isinagawang rescue operations ng QC Social Services Development Department (SSDD) at Philippine National Police District Women and Children Concern Section (PNP-DWCCS) nitong Huwebes, Hunyo 19 kung saan 20 menor-de-edad ang nasagip mula sa nasabing hotel.
Sa ulat ng QC SSDD at PNP-DWCCS, pinayagan umano ng pamunuan ng MC Hotel ang mga menor-de-edad na pumasok at uminom ng alak sa loob ng hotel.
Batay sa QC ordinance, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapapasok ng mga menor-de-edad (edad 17 pababa) sa mga establisimyento nang walang kasamang magulang o guardian, gayundin ang pagbibigay ng inuming nakalalasing sa mga ito.
- Latest