5 NAIA police sibak sa pangingikil sa mga taxi drivers
MANILA, Philippines — Sinibak ni Transportation Secretary Vince Dizon ang limang airport police ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na isinasangkot sa umano’y pangingikil sa mga taxi drivers na bumibiyahe sa paliparan.
Kasabay nito, inatasan din ni Dizon ang Manila International Airport Authority (MIAA) na imbestigahan ang naturang extortion scheme, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga government workers ay dapat na nagsisilbi sa mga mamamayan at hindi umaabuso sa kanilang awtoridad.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa ginawang pagbubunyag ng driver ng Taxihub na si “Felix”, hinggil sa umano’y 60/40 extortion scheme na ipinaiiral ng airport police.
Napipilitan umano ang mga taxi drivers na ibigay ang 40% ng kanilang kita sa airport police kaya’t nagreresulta ito sa kanilang overcharging sa mga pasahero.
Nabatid na kung hindi susunod at hindi nag-remit ng hinihingi ng mga airport police, huhulihin ang mga ito at hindi papapasukin ng airport.
Aminado si Dizon na ang mga naturang katiwalian ay nakakaapekto rin sa industriya ng turismo ng bansa.
- Latest