TNVS driver na nang-rape sa pasahero, timbog sa NBI

MANILA, Philippines — Laglag sa mga tauhan ng ng National Bureua of Investigation (NBI) isang TNVS (transportation network vehicle service) driver na gumahasa at tumangay sa bag at suot na kwintas ng babaeng kanyang pasahero, sa isang hot pursuit operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cainta, Rizal, noong Lunes.
Iniharap nitong Huwebes ni NBI-NCR Director Spokesperson Ferdinand Lavin sa media ang suspek na si alyas “Michael”, na sumailalim na sa inquest proceedings sa reklamong Robbery with Rape.
Nag-ugat ang pag-aresto nang idulog sa NBI-National Capital Region (NCR) ang reklamo hinggil sa insidente noong Hunyo 15, 2025, alas-3:00 ng madaling araw nang sumakay ang biktima sa nai-book na TNVS sa bahagi ng Southern Metro Manila.
Lumilitaw na dahil sa antok ay nakatulog ang biktima at nagising nang maramdaman na ginagahasa na siya ng suspek habang nakaparada ang sasakyan.Sa kabila ng kanyang pag-iyak at pagmamaka-awa sinuntok pa umano siya nito sa tiyan.
Nang matapos at pumunta sa unahan ang suspek, agad na lumabas ang biktima. Habang humihingi ng saklolo ay inagaw pa ng suspek ang kanyang bag na naglalaman ng personal na gamit, iPhone 16 at pinitas din ang suot na kwintas, bago tumakas.
Hunyo 16, nang idinulog ng biktima kasama ang kanyang mga magulang sa NBI-NCR. Natunton ang operator ng TNVS na nagturo naman kung saan nakatira ang suspek.
Ilang oras na surveillance ang isinagawa hanggang sa mamataan na ang suspek na sakay ng e-bike malapit sa bahay nito sa Cainta, Rizal, kung saan siya inaresto.
- Latest