LRT-1, nagpatupad ng limitadong operasyon
Dahil sa electrical fault
MANILA, Philippines — Inihayag ng Light Rail Manila Council (LRMC) na nagpatupad ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ng limitadong operasyon kahapon bunsod ng electrical fault.
Sa abiso ng LRMC, na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, nabatid na dakong alas-9:45 ng umaga nang magpatupad ang rail line ng limited operation simula Gil Puyat Station hanggang Fernando Poe Jr. Station lamang at pabalik.
Dahil anila ito sa electrical fault sa pagitan ng Redemptorist-Aseana Station at Baclaran Station.
“Our engineering team is currently on-site, actively addressing an electrical fault located between Redemptorist-Aseana Station and Baclaran Station” ayon sa LRMC.
Anito pa, nagsasagawa rin sila ng masusing assessment sa kanilang catenary facilities upang matukoy ang isyu at kaagad itong maresolba.
Matapos naman ang ilang oras, naisaayos din ng LRT-1 ang problema at naibalik sa normal ang operasyon nito.
“UPDATE: As of 5:38 PM, June 18, 2025. LRT-1 has resumed full operations from Dr. Santos to Fernando Poe Jr. Station and vice versa. Ingat po sa biyahe!” anunsiyo ng LRMC.
Kaagad rin naman itong humingi ng paumanhin sa kanilang mga mananakay na naapektuhan ng problema.
- Latest