Tabatsoy na pulis sisibakin - Torre

May 1 taon para magpapayat
MANILA, Philippines — Binibigyan na lamang ng isang taon ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III ang mga ‘overweight’ o tabachingching na pulis na magpapayat upang hindi masibak sa serbisyo.
Ito naman ang sinabi ni Torre, kung saan pinagbatayan niya ang Section 30 ng Republic Act No. 6975 o ang Department of the Interior and Local Government Act of 1990 na nagsasaad ng kuwalipikasyon upang maging miyembro ng PNP.
Ayon kay Torre, may nakasaad na “must weigh not more or less than five kilograms of the standard weight corresponding to his or her height, age, and sex.” Paliwanag ni Torre na sa ilalim ng PNP regulations, ang mga matatabang pulis ay binibigyan ng pagkakataon na magpapayat o ibalik ang kanilang normal na timbang sa loob ng anim na buwan hanggang 1 taon.
Ani Torre, sakaling hindi makapagpapayat ang pulis na overweight, hindi naman siya magdadalawang isip na ipatanggal ito sa serbisyo.
Ang mga may medical conditions naman ay posibleng maharap sa “complete disability discharge” o ilipat sa administrative work.
Una nang sinabi ni Torre, na kailangan physically fit ang mga pulis upang mas madaling makaresponde at bilang bahagi ng disiplina ng mga pulis.
- Latest