Teves isasailalim sa ‘major surgery’, kondisyon lumalala - lawyer

MANILA, Philippines — Inihayag ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves na kailangan itong isailalim sa ‘major surgery’ bunsod ng patuloy na paglala ng kanyang kondisyon.
Ayon kay Topacio, napagdesisyunan na umano ng mga doktor ni Teves ang agarang operasyon dahil sa iniindang sakit.
Bunsod nito, inirerekomenda ng mga doktor na mailipat sa ibang ospital na may sapat na kagamitan at pasilidad.
Una nang isinugod sa ospital nitong Martes ng umaga si Teves dahil sa matinding pananakit ng tiyan.
Nagsimula umano ang pananakit ng tiyan ni Teves nitong hatinggabi sa loob ng selda nito sa Metro Manila District Jail, sa Camp Bagong Diwa, sa Bicutan, Taguig City.
“Our client was buckling over due to pain, and according to him, he was practically on his knees, requesting to be brought to a hospital for treatment, but BJMP personnel could not grant said request due to ‘protocol’,” ani Topacio .
Mas tumindi umano ang nararamdamang sakit hanggang kahapon ng umaga kaya napagbigyan na dalhin sa ospital ang dating kongresista.
- Latest