‘May Huli Ka 2.0’ website inilunsad ng MMDA

Motoristang lumabag sa NCAP
MANILA, Philippines — Inilunsad nitong Lunes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang bagong website para maberipika ng mga may-ari ng sasakyan ang kanilang mga paglabag sa trapiko sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa ginanap na pulong-balitaan sa MMDA Communication Center sa Pasig City, na ang “May Huli Ka 2.0” ay isang web-based na platform na nagbibigay-daan sa mga may-ari ng sasakyan na maginhawang suriin ang mga paglabag sa trapiko sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang plate o conduction sticker number at kanilang motor vehicle (MV) file number.
Ani Artes, ang MV file number ay bilang dagdag na seguridad at proteksyon upang ang mga may-ari lamang ng sasakyan maaring magberipika, kumpara sa dati na plate number lamang.
Kabilang din sa planong ipatupad sa website ang single account sa may maraming rehistradong sasakyan, at sa online na rin maaring isagawa ang proseso ng apela, hearing schedules at online payment integration.
Kabilang sa dumalo si Philippine National Police chief, General Nicolas Torre III, mga lider at kinatawan ng transport groups, motorcycle ride-hailing companies, at transport network vehicle services (TNVS).
- Latest