Babaeng pasahero nahulihan ng halos P30 milyong shabu sa NAIA

MANILA, Philippines — Nasakote ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA ) Terminal 3 ang isang babaeng pasahero na nagtangkang magpuslit sa bansa ng tinatayang halos P30 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasakote ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang nasabing Pinay, 43-anyos na dumating sa bansa dakong alas-1:35 ng hapon nitong Sabado lulan na Air Asia Flight AK 582 galing sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang suspect na kinilala sa alyas “Arlene” ay residente ng Brgy. San Francisco II, Dasmariñas, Cavite.
Sa isinagawang imbestigasyon ng NAIA-IADITG, naganap ang pag-aresto sa suspect sa isinagawang interdiction operation sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City matapos madiskubre ang mahigit apat na kilo ng shabu sa loob ng dalang bagahe ng nasabing Pinay.
“The illegal drugs, with an estimated value of P29,702,400, were found packed inside an improvised black duct tape pouch, hidden beneath bundles of clothing, towels, a blanket, and a comforter’, saad ni PDEA Director General Undersecretary Atty. Isagani Nerez. Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165 ang nasakoteng Pinay sa Pasay City Prosecutor’s Office.
- Latest