P19.55 milyong illegal drugs nasabat ng NCRPO
MANILA, Philippines — Aabot sa tinatayang P19.55 milyong halaga ng illegal na droga ang nakumpiska ng mga operatiba ng pulisya mula Hunyo 2 hanggang 13 ng taong ito , ayon sa report ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Linggo.
Ayon sa NCRPO ang matagumpay na pagkakasamsam sa naturang halaga ng droga ay bunga ng 334 anti-drug operations habang nakaaresto naman ng 452 mga suspect.
Sa kabuuang nakumpiskang mga illegal na droga, P5.55 milyon ang nakumpiska ng tauhan ng Southern Police District na nakakasaklaw sa mga lungsod ng Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Parañaque, Pasay at Taguig gayundin ang munisipalidad ng Pateros.
Samantalang pumapangalawa naman ang P5.24 milyong halaga ng illegal na droga na nasamsam ng Manila Police District.
Samantala, ang Eastern Police District na kinabibilangan naman ng mga siyudad ng Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan ay nakakumpiska ng P4.26 milyong halaga. Nasa P2.87 milyong halaga ng illegal na droga ang nakumpiska ng Northern Police District na binubuo naman lungsod ng Caloocan at Valenzuela gayundin ng Malabon at Navotas.
Nakakumpiska naman ang Quezon City Police District ng P1.63 milyong halaga ng illegal na droga.
- Latest