Substandard na baterya winasak ng DTI

MANILA, Philippines — Winasak ng Department of Trade and Industry (DTI) ang nasa P110.74 milyong halaga ng substandard lead-acid storage batteries na kanilang nasamsam katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) noong nakalipas na taon.
Sinabi ng DTI nitong Biyernes may kabuuang 21,403 substandard na lead-acid storage batteries ang sinira sa isang pasilidad sa Valenzuela City, bilang hakbang na itaguyod ang mga pamantayan sa kaligtasan ng produkto at pagsunod sa mandatory certification requirements.
Ayon sa DTI ang mga nakumpiskang produkto ay walang mandatory Philippine Standard (PS) marks at import commodity clearance (ICC) stickers, na paglabag sa Republic Act 4109 (Products Standards Law).
Maaring magdulot ng pagtagas ng kemikal, maging dahilan ng sunog at iba pang panganib sa kapaligiran, buhay at ari-arian dahil hindi wasto o hindi nakatugon sa pamantayan ng kaligtasan ang mga nakumpiskang baterya.
Layunin din ng gobyerno na sawatain ang mga iligal na produktong ipinakakalat ng black market.
“It also serves to reinforce DTI’s regulatory mandate to protect consumers from hazardous and sub-quality products,” dagdag pa ng DTI.
- Latest