Idineklarang bigas, prutas P8 milyong marijuana kush nasabat sa balikbayan box

MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit P8 milyon ang halaga ng marijuana kush na ideklarang mga bigas, laruan at prutas mula Thailand ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), alas-11:30 ng umaga nitong Biyernes nang madiskubre ng mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang 10 abandonadong inbound parcels na puno ng marijuana kush, na tumitimbang ng 5,703 gramo, at nagkakahalaga ng P8,554,500.
Nabatid na ang mga parcel ay galing sa iba’t ibang mga address sa Thailand at ipinadala sa mga tatanggap sa Metro Manila at isa sa Iloilo.
Nakadeklara sa nasamsam na mga parsela ang mga items gaya ng “women’s scarves,” “rice,” “dried fruit,” at “baby toys”.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Atty. Isagani R. Nerez, unang sumailalim sa X-ray screening ng Bureau of Customs inspector ang kahina-hinala mga parcels matapos na ilang buwan nang walang nagke-claim.
Isang K-9 inspection ang isinagawa ng PDEA Airport Interdiction Unit, at doon ay nadiskubre na naglalaman ng mapanganib na droga ang mga inabandonang parcels.
Ang lahat ng nasabat na marijuana kush ay itinurn-over sa PDEA Laboratory Service para sa confirmatory examination, at nagsasagawa na rin ng formal case build-up para sa tamang pagsasampa ng mga kaso sa ilalim ng Section 4, Article II ng Republic Act 9165.
- Latest