Mister ipinosas ang sarili sa tow truck

Para di hilahin ang sasakyan
MANILA, Philippines — Upang hindi mahatak ang sasakyan, ipinosas ng isang mister na nagpakilalang dating pulis ang kaniyang sarili sa tow truck cable sa isinagawang ‘Bantay Sagabal’ operation ng mga operatiba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes, ayon sa ulat kahapon.
Ikinatwiran ng nasabing mister sa mga MMDA personnel na hindi dapat magsagawa ng operasyon ang mga ito sa kahabaan ng Crispulo Street sa North Caloocan dahil sakop umano ito ng isang pribadong subdivision.
“Pakita niyo muna yung basis ng jurisdiction niyo dito. Ito ba ay pag-aari na ba ng city hall ‘to? Unang-una, wala ngang pasabi ang barangay”, giit ng nasabing lalaki na nagpakilala ring isang dating pulis kaya alam umano niya ang batas.
Bandang alas-10 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga MMDA personnel sa kahabaan ng Crispulo Street kaugnay ng pinaigting na ‘Bantay Sagabal‘ operation.
Ipinaliwanag naman ni MMDA Special Operation Group-Strike Force Chief Gabriel Go na hindi pribado ang nasabing kalsada dahilan kung pribado ito ay dapat may bakod na at aniya’y umaksiyon lamang sila matapos na bahain ng reklamo ang Presidential hotline sanhi ng mga sasakyan na illegal na nakaparada sa lugar.
Matapos ang negosasyon ay pumayag ang nasabing mister na tanggalin ang posas pero inisyuhan pa rin ito ng ticket. Ipinaliwanag pa ng MMDA na kailangan nilang linisin ang mga nakaparadang sasakyan sa Crispulo Street at Camarin Road dahilan nagsisilbi itong alternatibong ruta sa mga motorsiklong apektado ng ginagawang MRT-7.
- Latest