Dalagita arestado sa P1.4 milyong shabu

MANILA, Philippines — Nasakote ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na dalagita kasunod ng pagkakasamsam sa P1.4-M halaga ng shabu sa isinagawang operasyon sa Pasig City, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ng Eastern Police District (EPD), ang suspect na itinuturing na newly identified high value individual ay kilala sa alyas “Indang”, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Social Welfare and Development ng Pasig City government dahil sa pagiging menor-de-edad.
Sa ulat ng EPD, Mayo 21, 2025 nang ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng EPD-District Drug Enforcement Unit sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City matapos namang magpositibo ang impormasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspect.
Nasamsam sa dalagita ang aabot sa 208.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,415,760.00 at narekober din ang buy-bust money.
“Saludo ako sa ating mga kapulisan sa muling pagpapakita ng kanilang dedikasyon at kahusayan sa ginagampanang tungkulin. Nakakalungkot at nakakabahala ang mga ganitong kaso sapagkat menor-de-edad ang nahuhuling suspect, ngunit ang aming hanay ay patuloy na lumalaban at ipinaglalaban ang kaligtasan ng taumbayan”, papuri ni EPD Officer-in-Charge P/Brig. General Aden Lagradante.
- Latest