Holdaper nahulog sa motorsiklo timbog
MANILA, Philippines — Arestado ang isa sa riding-in-tandem na nangholdap sa isang broadcaster nang mawalan ng balanse at mahulog mula sa motorsiklo sa Makati City nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni P/Colonel Jean Dela Torre, Commander ng Makati City Police Station ang suspect na kinilala sa alyas “Justin” 23-anyos, residente ng Signal Village, Taguig City, ay nakumpiskahan ng isang motorsiklo, isang kalibre .38 na baril at mga bala, at dalawang plaka ng motorsiklo na hinihinalang ipinapalit sa nakakabit na plate number matapos makagawa ng krimen.
Base sa imbestigasyon, alas-9:10 ng gabi ng Mayo 22, 2025 nang humingi ng saklolo sa nagpapatrulyang mga pulis ang isang 44-anyos na broadcaster sa Finlandia St, sa Makati City matapos holdapin ng riding-in-tandem habang mag-isang naglalakad.
Sa reklamo ng biktima, bumaba ang backride na si Justin, tinutukan siya ng baril at tinangay ang kaniyang iPhone 11.
Hinabol ng mga awtoridad ang riding-in-tandem hanggang sa mawalan ng balanse ang motorsiklo at nahulog ang backrider sa bahagi ng Barangay San Isidro, dahilan upang ito ay makorner habang nakatakas naman ang driver.
Narekober sa suspect ang baril at nang rikisahin ang motorsiklo, nadiskubre ang 2 plaka, at natagpuan din ang driver’s license.
- Latest