Comelec Quezon City, naghahanda na sa Barangay election sa Disyembre
MANILA, Philippines — Matapos na maidaos ang mapayapang midterm election, inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec ) Quezon City na naghahanda naman sila ngayon para sa nalalapit na barangay election na gaganapin sa Disyembre 1 ng taong ito.
Ayon kay Mr Raul Talavera ng Comelec QC, tuloy ang ginagawa nilang paghahanda sa darating na halalan dahil ito ay itinatakda ng batas.
Kung anuman anya ang kahihinatnan ng desisyon na mabago ng Kongreso ang takdang panahon ng pagpapatupad ng barangay election ay kanila itong susundin.
“Hanggat wala naman pong pinal na pagbabago pa alinsunod sa itinakdang araw ng halalan sa bansa ay patuloy po ang aming paghahanda para dito”, Sabi ni Talavera.
Inanunsyo rin ni Talavera na sa July 1 hanggang July 11 ang registration ng mga botante para sa darating na barangay at SK election sa December 1.
Sa QC, may 142 Barangay Chairman at SK Chairman ang pagbobotohan sa darating na halalan at may tig-8 kagawad sa bawat barangay sa lungsod.
- Latest