Holdapan sa Metro Manila talamak

MANILA, Philippines — Ikinabahala ng ilang dayuhan ang umano’y sunud-sunod na insidente ng panghoholdap sa Metro Manila kung saan pinakahuling dalawang insidente ang naganap sa iisang lugar sa Bonifacio Global City sa Taguig City.
Batay sa pahayag ng Japanese Embassy, dalawang Japanese engineer na nagtatrabaho sa isang Japanese company sa Clark Special Economic Zone sa Pampanga ang hinoldapng dalawang armadong lalaki bandang alas-3 ng hapon nitong Mayo 13 sa harap ng Adibelleti Residence sa 9th Avenue, BCG, Taguig City.
Naglalakad ang dalawa nang lapitan ng riding in tandem at tinutukan ng baril sabay kuha ng kanilang bag na naglalaman ng P6,000, Y50,000, credit cards, smartphones, Japanese driver’s licenses, company ID cards, at maging ang condominium resident cards.
Isa sa mga biktima ang pinukpok pa ng baril sa mukha ng mga suspek.
Ayon sa Taguig Police, hindi umano nag-report ang mga biktima.
Sa anunsiyo naman ng Embassy of Korea, Mayo 17 bandang alas-11:40 ng gabi nang maholdap ang dalawang Koreano sa 9th Avenue rin sa harap ng One Park Drive.
Nagkukuwentuhan habang naglalakad ang dalawang Koreano nang harangin ng riding-in-tandem at kinuha ang mamahaling bag at cash.
Anila, tila hindi na rin ligtas ang BGC mula sa mga criminal na nanghoholdap anumang oras.
Lumilitaw na ang panghoholdap ay madalas nang nangyayari sa Pasay, Makati at Manila na ikinalarma ng publiko.
Nananawagan naman ang mga embahada sa PNP na agad maaksyunan ang mga insidente.
- Latest