LTFRB sa PUV: Patas na pagtrato sa mga pasahero
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver ng pampasaherong sasakyan na tiyaking pantay-pantay ang pagtrato sa kanilang mga pasahero.
Ang pahayag ay ginawa ni LTFRB Spokesperson Atty Ariel Inton, kasunod ng report na isang jeepney driver sa Project 8 Quezon City ang namahiya sa isang PWD na mataba.
Sinabi ni Inton na bagamat hindi naman nagsumbong ang naturang PWD sa LTFRB ay naiparating sa kanya ng isang kasakay na pasahero na pinahiya ng driver ang PWD nang magbabayad ng pasahe na may 20 percent discount pero sinabihan ng driver na dapat ay wala na itong discount dahil halos dalawang tao ang okupadong upuan dahil sa ito ay mataba.
Binigyan-diin ni Inton na bawal ang ginawa ng driver sa kanyang pasahero alinsunod sa Anti Descrimination Act at batas na nagbibigay ng fare discount sa mga pasaherong sernior citizen, PWD at mga mag-aaral.
Dulot nito, nanawagan si Inton sa publiko na ireklamo agad sa LTFRB ang ganitong mga insidente upang maaksyonan ang mga ganitong pangyayari at kunin lamang ang plate number ng sasakyan para sa mabilis na aksyon.
Sinabi ni Inton na ang insidente ay tulad ng nangyari kamakailan sa isang UV express driver na ayaw magpasakay ng matatabang pasahero sa unahan ng sasakyan o dodoblehin ang bayad kung nais sumakay. Ito anya ay naparusahan na ng LTFRB.
- Latest