Lisensiya ng driver sa viral NAIA car crash, binawi ng LTO
MANILA, Philippines — Tuluyan nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng driver ng sports utility vehicle (SUV) na nakasagasa at nakapatay sa dalawang katao sa entrance ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong May 4.
Sa limang pahinang desisyon na nilagdaan ni LTO Chief Vigor Mendoza, nakasaad dito na ang SUV driver mula sa Batangas ay napatunayan guilty sa reckless driving at pinagmulta ng P2,000 bukod sa revocation ng kanyang drivers license. Apat na taong hindi makakapagmaneho ang naturang SUV driver batay sa parusa ng LTO.
Pinaliwanag ni Mendoza na ang parusa sa SUV driver ay maximum penalty na pinapayagan ng batas.
Nabatid na hindi nagsumite ng kanyang statement ang driver ng SUV nang ipatawag para maidepensa ang sarili sa nangyari kaugnay ng kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01.
Nilinaw din ng LTO na ang pagmamaneho ay hindi karapatan at sa halip ay isang pribilehiyo na maaring bawiin anumang oras na lumabag sa batas at road safety rules and regulations.
Hiniling ni Mendoza sa mga motorista na maging responsible at maging disiplinado habang nasa kalsada upang makaiwas sa anumang problemang legal.
- Latest