Reklamo ni Ex-Pangulong Duterte vs Abalos, Marbil ibinasura ng DOJ
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong kriminal na inihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kay dating Interior Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil at iba pang police officers kaugnay sa operasyon sa Kingdom of Jesus Christ compound para arestuhin si Apollo Quiboloy.
Sa resolusyon na may lagda ni Assistant State Prosecutor Angelica Laygo-Francisco, sinabi ng DOJ na walang nakitang ebidensya ang DOJ para suportahan ang reklamo para sa malicious mischief at paglabag sa domicile na inihain ni Duterte bilang administrator ng KOJC properties laban sa mga respondents. Wala rin nakitang probable cause ang DOJ upang idiin ang mga respondent.
Matatandaang noong nakaraang taon nang ihain ni Duterte ang reklamo na sobra-sobra at hindi makatwiran ang malawakang operasyon ng pulisya na may kinalaman sa pagpasok ng mga tauhan ng pulisya sa mga gusali at tirahan sa KOJC compound at isinagawa nang walang search warrant bukod pa sa pagkasira ng mga istruktura.
Iginiit din sa reklamo na ang mga matataas na opisyal ay dapat managot sa command responsibility.
Paliwanag naman ng DOJ, resulta lamang ng operasyon at balidong pag-aresto ang pagkasira ng istraktura.
Binanggit din sa resolusyon na wala namang presensya sa nasabing operasyon ang ilang respondents kabilang sina Abalos at Marbil, malinaw na hindi sila pumasok sa KOJC compound para sa sinasabing paglabag o violation of domicile.
Paliwanag pa ng DOJ, ang doktrina ng command responsibility ay hindi nag-aaplay sa domestic criminal liability sa ilalim ng Revised Penal code.
- Latest