2 anak ibinugaw, nanay timbog

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang ina mula sa Mabalacat, Pampanga na ibinubugaw ang kanyang dalawang menor-de-edad na mga anak matapos na isuplong ng Royal Thai Police sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa ulat ng NBI, natanggap nila ang referral mula sa Royal Thai Police hinggil sa malalaswang larawan ng dalawang menor-de-edad na nakuha sa nakumpiskang smart phones ng inarestong British national na si Benjamin John Wilkinson.
Nagsagawa ang NBI ng surveillance sa detalyeng ipinasa ng Royal Thai Police, at natukoy ang bahay sa Mabalacat, Pampanga ng source ng malalaswang larawan at paaralan ng dalawang biktima.
Matapos makakuha ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data sa Angeles City court, noong Mayo 19, 2025, sinalakay ang bahay ng suspek ng NBI-Human Trafficking Division kasama ang NBI-Digital Forensic Laboratory, kung saan nasamsam ang 4 na smartphones at isang laptop.
Napanood mismo sa preview sa isa sa mga smartphones ang pakay na Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).
Iniharap sa inquest proceedings ang suspek sa paglabag sa Section 4 ng Republic Act 11930 (Anti-Online Sexual Abuse of Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Act).
- Latest