NCAP balik na sa Lunes – MMDA

MANILA, Philippines — Ipatutupad na muli ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Lunes, Mayo 26, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes.
Kasunod ito ng pagpabor ng Korte Suprema nitong Martes, Mayo 20, sa inihaing urgent motion to lift temporary restraining order (TRO) ng Office of the Solicitor General o pagsuspinde sa NCAP noong Agosto 2022.
Gayunman, sa paglilinaw ng Korte Suprema na partially lifted lang ang TRO kaya’t saklaw lamang ang mga pangunahing lansangan kabilang ang Edsa at C5.
Ikinatuwa ng MMDA ang desisyon na nagsabing magbibigay-daan ito sa mas epektibong solusyon na mapaluwag ang mabigat na trapiko, lalo na ang napipintong rehabilitasyon ng Edsa.
“With the announced scheduled massive rehabilitation of EDSA, which is set to commence on June 13, the MMDA expects heavier traffic,” ayon sa MMDA.
Sa sandaling maibalik, inaasahang palalakasin ng NCAP ang traffic management ng MMDA sa kahabaan ng EDSA at iba pang mga pangunahing daanan sa pamamagitan ng paggamit ng mga closed-circuit television (CCTV) camera, digital camera, at iba pang teknolohiya upang kumuha ng mga video at larawan ng mga lumalabag sa trapiko, magtala ng mga paglabag sa trapiko, at mag-isyu ng mga citation.
Tiniyak ng MMDA sa mga petisyuner na kumukuwestiyon sa NCAP na ang kanilang mga alalahanin ay natugunan sa single ticketing system at sa bagong mga alituntunin ng NCAP.
- Latest