10-anyos na bata todas sa tuli ng pekeng doktor
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ng pagkamatay ng isang 10-anyos na bata na namatay matapos tuliin ng pekeng doktor, sa Tondo, Maynila, noong Mayo 17, 2025.
Ayon sa ulat, nakita ng inang si “Marjorie” sa isang social media post ang klinika kaya dinala ang biktima upang ipatuli nitong Linggo bandang alas-2 ng hapon.
Agad na sumalang ang kanyang anak kung saan sinaksaksakan ito ng anesthesia.
Subalit makalipas ang ilang minuto, tinawag siya ng doktor at ng assistant nito para hawakan ang anak na nanginginig at parang nagko-kombulsyon. Sinabihan siya ng doktor na normal lamang daw na mag-seizure ang bata dahil natatakot.
Hindi naman nakumbinsi ang ina nang makitang nangingitim at nahihirapang huminga ang bata kaya itinakbo na nila sa ospital
Sumisigaw ng hustisya ang ina dahil sa hindi matanggap na pagkamatay ng anak.
Ikinuwento pa niya na masipag, may mga honor sa eskwelahan ang anak na Grade 4 na sana sa pasukan at nabili na rin ng mga gamit sa eskwela. Pinagbigyan din aniya, niya ang hiling ng anak na siya ay matuli na.
Samantala, sinabi naman ni NBI Director Judge Jaime Santiago na nakuhanan na ng complaint affidavit ang ina ng biktima at plano rin nilang magsagawa ng awtopsiya ngayong linggo para sa isinasagawang imbestigasyon.
Sakaling matuloy ang awtopsiya at lumabas na may pagkakamali ang doktor, kakasuhan siya ng medical malpractice o reckless imprudence resulting in homicide o maaring may iba pang kaso, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.
- Latest