DOTr, magde-deploy ng hanggang 200 karagdagang bus sa busway
Habang isinasailalim sa rehab ang EDSA
MANILA, Philippines — Magpapakalat ang Department of Transportation (DOTr) ng mula 100 hanggang 200 bus sa EDSA busway sa mga susunod na buwan, kasunod nang isasagawang rehabilitasyon sa naturang lansangan sa susunod na buwan.
Ayon kay Transport Secretary Vince Dizon, nasa 100 bus na ang idinagdag nila sa busway. Layon nitong makatulong sa mga commuters na maaapektuhan ng rehabilitasyon.
Plano pa aniya nilang magdagdag ng mula 100 hanggang 200 pang bus sa mga susunod na buwan para magbigay ng alternatibo sa mga mamamayan na huwag na munang gumamit ng personal na sasakyan.
Una nang sinabi ni Dizon na sisimulan na nila ang rehabilitasyon sa EDSA sa kalagitnaan ng Hunyo.
Samantala, sinabi rin naman ni Dizon na ipinanukala na niya ang pagbubukas ng isang segment ng Skyway ng libre.
Pag-aaralan rin umano nila ang pagpapalawig pa ng operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Tiniyak din niya na hindi aalisin ang EDSA busway, sa panahon ng rehabilitasyon.
- Latest