Bagong PWD, Senior Citizen ID inilunsad ng Valenzuela LGU
Laban sa pekeng IDs
MANILA, Philippines — Upang matigil na ang talamak na bentahan at paggamit ng pekeng Persons with Disabilities at Senior Citizens ID, naglunsad ang Valenzuela City government ng makabagong ID na may holographic seal at tampered resistant tool.
Sa paglulunsad ng bagong disenyo ng PWD at Senior Citizens ID, ipinaliwanag ni Mayor Wes Gatchalian kailangan nang baguhin ang mga ID matapos na ilang kaso ng bentahan ng mga ID online ang naitala.
Nakakalungkot lamang na sangkot mismo sa paggamit ng mga pekeng PWD at Senior Citizens ID ay mga residente mismo ng lungsod. Nakakulong at sinampahan na ng kaso ang mga ito.
Sinabi ni Gatchalian na marami na silang natatanggap na reklamo mula iba’t ibang establisimyento hinggil sa paggamit ng mga PWD at Senior Citizen ID upang makakakuha ng 20% discount.
Ayon naman kay Valenzuela City Police Station Patrol Operation Section chief, PMaj. Jesus Mansibang, huli sa entrapment ang isang babae na nagbebenta ng pekeng ID online kaya katuwang din nila sa operasyon ang Anti Cyber Crime Unit. Nakuha dito ang walong pekeng PWD IDs at dalawang driver’s license.
Bunsod nito, sinabi naman ni 1st District Councilor Atty. Bimbo dela Cruz, gumawa sila ng ordinansa na nagbibigay ng awtorisasyon sa lahat ng mga establisimyento na kumpiskahin ang mga pekeng ID.
Sa ilalim ng ordinansa, sinumang indibiduwal ang mahuhulihan ng pekeng ID ay papatawan ng P5,000 multa sa unang pagkakataon, P10,000 sa ikalawa at P15,000 sa ikatlong paglabag habang P10,000 multa sa unang paglabag,P20,000 sa ikalawang paglabag at P30,000 sa ikatlong paglabag sa mga establisimyento na hindi mangungumpiska ng mga pekeng ID.
Sa record ng Valenzuela LGU may 212 ang drugstrore o pharmacy, 67 ang restaurant/refreshment parlor at 102 supermarket/convenience store.
- Latest