‘Utak’ sa Que kidnap-slay nag ‘mission impossible’ - PNP

MANILA, Philippines — Nag-ala ‘mission impossible’ ang babaeng Chinese national na sinasabing isa sa umano’y ‘utak’ sa pagdukot at pagpatay sa Filipino Chinese steel magnate na si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabillo noong Marso 29.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni Philippine National Police Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, gumamit si Wenli Gong na kilala ring Kelly Tan Lim ng mask o latex mask upang magtago matapos na magpalabas ng manhunt ang pamahalaan laban sa kanya at kay Wu Ja Ping.
Si Ping ang nagbook ng mga resort sa Boracay at hairdresser ni Gong.
Ang latex mask na ginamit ni Gong ay tulad ng ginamit ng actor na si Tom Cruise sa kanyang mga pelikulang Mission Impossible.
Nahuli sina Gong at Ping sa isang kuwarto sa isang resort sa Boracay nitong Sabado ng Joint Anti-Kidnapping Committee (JAKAC) ni chief, Lt. Gen. Edgar Alan Okubo matapos ang intelligence at surveillance operation.
“Under custody na po natin si Kelly na alam po natin na malaki ang naging papel sa naging pagkidnap at eventually pagpatay kay Anson Que at ginoong Armanie Pabillo,” ani Fajardo.
May P10 milyong reward si Gong matapos na iturong co-mastermind sa kaso ng pagdukot at pagpatay kay Que at Pabillo.
Kaugnay nito sinabi rin ni Fajardo na sa ngayon ay tinututukan nila ang pagbawi sa P200 milyong ransom money.
Lumilitaw na si Gong ang namahala kung saan-saang mga e-wallets ipadadala ang P100 milyon sa nakuhang ransom money. Si Gong ang nakipagnegosasyon sa pamilya ni Que gamit ang cellphone nito.
Bagamat maituturing nang lutas ang kaso pinaghahanap pa rin ang sinasabing primary suspect na si Jonin Lin.
Nasa kustodiya na sina David Tan Liao, ang mastermind, Ricardo Austria, Reymart Catequista.
- Latest