Kelot binenta ATM card sa online, tiklo

MANILA, Philippines — Arestado sa entrapment operation ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) ang isang 24-anyos na lalaki matapos na ibenta umano ang kanyang bank account online sa halagang P2,500.
Sinabi ni QCDACT chief, PLt. Col Cristopher Ubac, dinakip ang suspek sa harap ng isang bangko sa Brgy. Bago Bantay sa lungsod.
Ayon kay Ubac, nadiskubre ng cyber patrollers ng QCDACT ang pinost ng suspek sa social media na ibinebenta nito ang kanyang bank account.
Agad na ikinasa ang entrapment ng mga operatiba ng QCDACT at habang iniaabot ng suspek ang ATM card sa isang pulis na nagpanggap na bibili ay agad siyang inaresto. Nabawi sa suspek ang ATM card at boodle money.
Sinabi ni Ubac, ang mga ibinebentang luma o hindi nagamit na mga payroll account, ay maaaring magamit para sa mga ilegal na transaksyon.
Paliwanag niya, ipapasok ng mga scammers ang pera sa biniling account at pagkatapos ay agad ding ilalabas.
Binigyang-diin niya na mahigpit na ipinagbabawal ang magbenta ng personal bank accounts, ipagamit, ipahiram at maging ang pagbili nito.
Nasa pitong indibiduwal na ang naaresto ng QCDACT dahil sa pagbebenta ng bank account at ATM card online.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (d) ng Republic Act 12010 o the Anti-Financial Account Scamming Act, na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act 10175, na mas kilalang Cybercrime Prevention Act of 2012 ang suspek na nagsabing hindi niya alam na may ganitong batas.
- Latest