P331 milyong Grand Lotto jackpot, nasungkit ng taga-Mandaluyong
MANILA, Philippines — Isang lone bettor mula sa Metro Manila ang pinalad na makapag-uwi ng P331 milyong jackpot ng Grand Lotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakalawa ng gabi.
Sa abiso, sinabi ng PCSO na matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang winning combination na 30-29-42-28-02-43 kaya’t naiuwi niya ang katumbas nitong jackpot prize na P331,359,271.20. Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Kalentong, Mandaluyong City.
Ayon sa PCSO, mayroong isang taon ang lucky winner, mula sa petsa nang pagbola rito, upang i-claim ang kanyang premyo sa kanilang main office sa Mandaluyong City.
Kinakailangan lamang ng lucky winner na magtungo ng personal sa PCSO office at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala naman ang PCSO na ang lahat ng lotto winnings na mahigit sa P10,000 ay papatawan ng 20% buwis, alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Patuloy din namang hinihikayat ng PCSO ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang mas marami pa silang matulungang mga nangangailangan.
- Latest