DOTr tinerminate kontrata sa Common Station Project

MANILA, Philippines — Tuluyang nang tinerminate ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang kontrata sa contractor ng Common Station Project bunsod umano ng labis-labis na pagkaantala ng naturang proyekto.
Sa isang pahayag, nabatid na inisyuhan na ng DOTr ng notice of termination ang BF Corporation and Foresight Development and Surveying Company (BFC-FDSC) Consortium, na siyang contractor nila sa Common Station Project, na siyang mag-uugnay sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at MRT-Line 7 (MRT-7).
Ang hakbang ay kasunod na rin ng direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin pa at kaagad nang tapusin ang konstruksiyon ng naturang common station, na sinimulan noon pang 2009 upang mapabilis at mapadali ang biyahe ng mga commuters.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, matagal na sanang napakinabangan ang naturang common station, kung hindi lamang naantala ang konstruksiyon nito.
“Now that we have terminated the contract with BF Corp. and Foresight Development and Surveying Co, we can finally move on with the construction. And next step ay mapabilis natin ang construction nito para mapakinabangan na ng mga komyuter dahil malaking bagay sa kanila ito,” ani Dizon.
Kumpiyansa rin ang kalihim na ang konstruksiyon para sa transit train hub ay kaagad masisimulang muli upang mapabilis ang proseso, sa pamamagitan ng New Government Procurement Act o ang Public-Private Partnership (PPP) Code.
- Latest