P55 milyong halaga ng pekeng signature bags, accessories nasamsam ng NBI

MANILA, Philippines — Tinatayang P55-milyon ang halaga ng mga pekeng high end bags, belts at accessories ang nasamsam sa magkakahiwalay na pagsalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), sa Parañaque City, Maynila at Malabon City kamakailan.
Sinabi ni NBI Director Judge Jaime Santiago na nag-ugat ang pagsisilbi ng multiple search warrants sa idinulog ng Quisumbing Torres Attorneys at Law para sa kanilang kliyente na Oakley, Lee Bumgarner Inc. (LBI), Gucci, at Yves Saint Laurent (YSL).
Sa reklamo, may mga paglabag sa Section 155 (Trademark Infringement) at Section 168 (Unfair Competition) in relation to Section 170 ng Republic Act 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang ilang online store.
Noong Mayo 6, 2025, ipinatupad ang search warrant sa AJS Online at Sarigayao Online Store sa Parañaque, kung saan nasamsam ang 1,083 piraso ng pekeng produkto ng “OAKLEY” trademark na may kabuuang halaga na P3,556,500.00.
Kinabukasan, Mayo 7 nang ihain naman ang search warrants sa John Elegant Leather Bags and Accessories, M. M Variety Store, Buyme Bags and Accessories Store, at Azriel Variety Store, sa Binondo, Manila, at ang bodega naman na matatagpuan sa Malabon City.
Nasamsam sa mga nasabing tindahan at bodega ang 1,024 piraso ng counterfeit products na may tatak na “Gucci” at “Yves Saint Laurent” na may kabuuang halagang P51,646,470.00.
- Latest