Resulta ng botohan sa Metro Manila malalaman ngayon

MANILA, Philippines — Ngayong araw malalaman ang resulta ng botohan sa mga tumakbo sa pagka-alkalde sa Kalakhang Maynila.
Nabatid na bandang alas 8 ng gabi ay patuloy pa lamang ang transmission ng mga boto mula sa polling precinct.
Sa Quezon City at Maynila, isasagawa ang bilangan sa city council na inaasahang dadagsain at aabanganng kani-kanilang mga constituents at maging ng mga kandidato.
Bago ito, naging mabilis ang pagboto kahapon ni QC Mayor Joy Belmonte at dating Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng pahayag na bilib sila sa accuracy ng Automated Counting Machine (VCM) sa isinagawang halalan kahapon.
Alas-10 ng umaga nang bumoto si Belmonte sa Christ The King polling center sa E. Rodriguez, Quezon City.
Sinabi ni Belmonte na natutuwa siya dahil accurate at mabilis ang sistema dahil wala pang 30 minuto ay natapos agad ang kanyang pagboto.
Inamin din ni Mayor Belmonte na bitter-sweet ang pakiramdam niya dahil ito na ang kanyang huling pagboto bilang Mayor ng QC.
Una rito nanawagan si Belmonte sa mga botante na lumabas at bumoto sa mga napupusuang kandidato ngayong halalan.
Eksaktong alas 10 ng umaga naman nang dumating si dating Manila Mayor Isko Moreno sa Manuel L. Quezon Elementary School upang bumuto. Ayon kay Isko, masaya siyang naiboto ang mga kandidato na nais niyang makasama sa paglilingkod sa Maynila sakaling palaring mabalik.
Sa parehong eskuwelahan naman sa Legarda Elementary School sa Sampaloc bumuto ang magkatunggaling sina Manila Mayor Honey Lacuna at mayoral candidate Sam Verzosa.
Kasama ni Lacuna ang mga miyembro ng kanyang team habang si Verzosa ay bumoto kasama ang girlfriend na si Rhian Ramos at kanyang ina.
Sa Caloocan City, kasama naman ni Mayor Along Malapitan na bumoto ang kanyang misis na si Aubrey at amang si 1st District Congressman Oca Malapitan sa Morning Breeze Elementary School.
Bandang hapon naman dumating sa Amang Rodriguez Elementary School sa Brgy. Baritan Malabon City upang bumoto si Mayor Jeannie Sandoval.
Bagamat nakaboto bandang alas-8 ng umaga si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa Navotas Elementary School kasama ang kanyang misis at mga anak, nagsampa rin ito ng certificate of challenge matapos na lumabas sa kanyang voter receipt na nag-over vote.
Alas-2 ng hapon naman bumoto si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian sa Canumay West Elementary School.
Sa lungsod naman ng Makati, kasama ang kanyang asawang si Pepito, mga anak na sina Benjamin at Anya, mga kapatid na sina Junjun, Anne at JM at magulang na sina dating Vice President Jejomar Binay at dating Makati Mayor Dra. Elenita Binay, bumoto si Senador Nancy Binay sa San Antonio Community Complex sa Makati City na tumatakbo sa pagka alkalde ng Lungsod.
Bago bumoto sinabi naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hind niya hahayaang mawala siya sa pokus sa paglilingkod sa Pasigueño. Bumoto si Sotto sa Valle Verde 5 Clubhouse sa Pasig City bandang alas- 4 ng hapon.
- Latest