DepEd, nakatanggap ng 160 election-related concerns kaugnay sa midterm polls

MANILA, Philippines — Iniulat ng Department of Education (DepEd) na umaabot na sa 160 ang mga ulat na natanggap ng DepEd Election Command Center na may kinalaman sa ilang mga problemang naranasan nitong election day.
Ayon sa DepEd Election Task Force, ang naturang bilang ay naitala nila hanggang ala-1:30 ng hapon lamang ng Lunes at maaaring madagdagan pa.
“As of 1:30 PM, nakatanggap na ang DepEd Election Command Center ng 160 ulat mula sa mga field offices, karamihan ay may kinalaman sa mga isyu sa vote counting machines (VCM), nawawalang pangalan sa listahan ng botante, at health-related concerns ng mga guro at personnel,” anang DepEd.
Tiniyak naman ng DepEd na ang mga naturang ulat ay kaagad nilang tinutugunan sa koordinasyon ng Commission on Elections, Philippine National Police at iba pang mga katuwang na ahensya upang masiguro ang maayos, ligtas, at tapat na halalan.
Sinabi pa ng DepEd na alinsunod sa direktiba ni Secretary Sonny Angara, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Task Force, kasama ang mga Regional at Division ETF teams upang matiyak ang mabilisang aksyon at suporta sa bawat insidenteng may kinalaman sa kapakanan at kaligtasan ng mga guro at kawani ng DepEd na kasalukuyang nagsasagawa ng kanilang tungkulin sa eleksyon.
Ang naturang Task Force ay pinamumunuan ni Undersecretary Malcolm Garma.
- Latest