Lalaki na nagpanggap na NBI agent sumuko
MANILA, Philippines — Halos mauwi sa madugong insidente ang pag-aresto sa isang lalaki na nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) nang magpaputok ng baril kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Hindi na binanggit ng mga awtoridad ang pangalan ng lalaki na ngayon ay nasa kustodiya na ng Makati City Police habang iniimbestigahan ang kasong kinasasangkutan nito ng Southern Police District-District Special Operations Unit (DSOU)
Sa ulat, alas 10:20 ng gabi ng Mayo 11, 2025, habang nagsasagawa ng surveillance at anti-criminality operation ang DSOU sa Nicanor Garcia St., Brg Bel-Air, Makati nang lapitan ng suspek ang dalawang operatiba.
Nakasibilyan ang dalawang tauhan ng DSOU kaya nagpakilala silang mga pulis at ang suspek naman ay nagpakilalang miyembro ng NBI.
Bahagyang nagkaroon ng tensiyon nang pagsabihan sila ng suspek ng.. “May baril ako dito, gusto nyo patayin ko kayong dalawa dito?!”, kasunod ng pagbunot ng Glock Gen5 9mm pistol at nagpaputok.
Mabilis na tumawag sa Makati CPS ang dalawa na agad namang rumesponde habang nagtago naman sa loob ng kanyang bahay ang suspek at kalaunan ay kusa na ring sumuko.
Nasamsam sa kanya ang baril na kargado ng magazine na may mga bala at isa pang extra magazine, at mga ID sa loob ng kanyang bag.
- Latest