Multi storey apartment type sa Tugatog Cemetery 50% tapos

MANILA, Philippines — Inihayag ng Malabon City LGU na nasa 50% nang tapos ang multi storey apartment sa Tugatog Public Cemetery na layon ng city government na mabigyan ng maayos na huling hantungan ang mga mahal sa buhay ng mga Malabuenos.
“Katulad po ng ipinangako ko noon, sisiguraduhin natin na ang huling hantungan ng ating mga yumaong mahal sa buhay ay maayos, may dignidad, at may respeto. Hindi man po pormal na nai-turnover sa atin ang proyektong ito sa ating administrasyon noong mga unang araw ng ating panunungkulan, ay atin itong tututukan,” Malabon City Mayor Jeannie Sandoval.
Ayon kay Sandoval, titiyakin ng city government na mabigyan ng maayos na libingan ang mga namayapa na pagbibigay respeto ng kanilang mga pamilya.
Patuloy aniya ang kanilang pagpapatayo ng apartment type building para sa kapanatagan ng mga pamilyang mayroong mahal sa buhay na nakahimlay sa nabanggit na sementeryo.
Nabatid na patuloy ang pag iinspeksiyon ng City Engineering Department upang masiguro na maayos at matibay ang multi storey apartment kung saan siniguro na buhos ang mga semento, maayos ang paglalagay ng hollow blocks at hindi substandard ang mga bakal na ginamit.
May sukat na 908 square meters ang floor area at mayroong 360 nitso sa ground floor habang 288 naman sa 2nd floor.
“Kapayapaan ng ating mga puso at ng kaluluwa ng ating mga yumaong mahal sa buhay ang ating isinasaalang-alang sa pagpapatuloy ng pagsasaayos ng Tugatog Public Cemetery. At sa pagsasagawa ng apartment-type building na ito, makasisiguro ang bawat Malabuenos na magkakaroon ng maayos na himlayan ang mga sumakabilang buhay nilang mga kaanak. Ipagpapatuloy natin ang pagsasagawa ng mga programa para sa ikagaganda at ikaaayos ng libingan,” binigyan diin naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.
Matatandaang ipinagawa ni Sandoval ang Wall of Remembrance noong 2023 sa Tugatog Public Cemetery upang mabigyan ng pagkakataon at pag-alala ang mga namayapa ng mahal sa buhay.
- Latest