NAPOLCOM tatapusin mga kaso ng pulis hanggang Disyembre 2025
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan na target nilang matapos ang kaso ng mga pulis hanggang sa Disyembre 2025.
Ayon kay Calinisan, ito’y kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linisin ang hanay ng Philippine National Police mula sa mga scalawag at mga tiwaling pulis.
Sa katunayan aniya, sinisimula na nila ang pagsasagawa ng inventory sa libu-libong kasong nakabinbin laban sa mga pulis.
Bagamat prayoridad nila ang kapakanan ng nakakasuhang pulis, sinabi ni Calinisan na wala namang puwang sa organisasyon ang mga tiwali at scalawag na pulis.
Hindi umano sila manghihinayang na sibakin sa serbisyo ang mga pulis na mapapatunayang sangkot sa iba’t ibang katiwalain.
Giit ni Calinisan, panahon na ito at dapat lamang gawin ang inventory para na rin sa kaayusan ng PNP.
“Hindi ito ang repleksyon ng kung sino ang pulis natin. Kaya ‘yung mga gumagawa ng sunud-sunod na pangyayaring ito, maghanda kayo sa NAPOLCOM. Maghanda kayo sa mga disciplinary authorities dahil sasampolan namin kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo,” babala pa ni Calinisan.
Hinikayat din ni Calinisan ang publiko na makipagtulungan sa PNP at NAPOLCOM upang makasuhan at matanggal sa serbisyo ang mga pulis na sangkot sa iba’t ibang kaso.
- Latest