Chinese ‘spy’ na nag-iikot sa Metro Manila, timbog sa NBI

MANILA, Philippines — Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese ‘spy’ na nakuhanan ng spy equipment sa loob ng sasakyan na nakaparada malapit sa main office ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila, Martes ng hapon.
Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, posibleng maharap sa paglabag sa Espionage Law at Data Privacy Act si Tak Hoi Lap kaugnay ng Cybercrime Law nang nakuhanan sa kanyang sasakyan ng isang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher na gamit sa paniniktik o pag-eavesdropping at pag-intercept ng mga mobile phone pati na rin ang pagsubaybay sa data ng lokasyon ng mga gumagamit ng mobile phone.
Sinabi ni Lavin na matagal nang inoobserbahan sa lugar ang sasakyan ni Lap na namonitor ding paikut-ikot sa Taguig at Makati City.
Hindi inaalis ni Lavin ang posibilidad na magamit ang nasabing equipment sa paparating na midterm elections, kaugnay sa hinalang panghihimasok ng China sa halalan sa bansa.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nagsasagawa pa ng inventory ang National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR).
Dadalhin sa NBI-National Capital Region (NBI-NCR) office ang suspek at mga nasamsam na ebidensya kabilang ang spy equipment at magsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ukol dito.
- Latest