P74.8 milyong shabu nasabat sa Caloocan

MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) ang nasa P74.8 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation Linggo ng gabi sa Caloocan City.
Ayon kay PDEG acting chief Col. Rolando Cuya, sa nasabing buybust operation bandang alas-8:15 ng gabi, nadakip ang mga high value individual na sina alyas Johary, 26 at Ambulo, 25 sa Brgy. Amparo, North Caloocan.
Lumilitaw na under surveillance ang kilos ng mga suspek hanggang sa makumpirma ang bagong transaksiyon ng mga ito.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang bitbitin sa buy-bust operation.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 11,000 gramo shabu na nagkakahalaga ng P74,800,000 gayundin ang mga non-drug paraphernalia.
Dinala sa Amparo Sub-Station 15 ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act habang agad namang dinala sa Northern Police District, Crime Laboratory for Laboratory Examination ang mga nakumpiskang illegal drugs.
Pinuri naman ni Cuya ang kanyang mga tauhan sa matagumpay na police operations. Magsilbi aniya itong motibasyon sa mga pulis na patuloy na labanan ang pagkalat at bentahan ng ipinagbabawal na droga.
- Latest