Kano na wanted sa U.S, timbog sa BI

MANILA, Philippines — Iniulat ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkaka-aresto sa isang American fugitive na wanted sa karumal-dumal na pang-aabuso sa bata at sexual crimes sa Amerika.
Ayon kay Viado, si Young Tom Talmadge, 69, ay dinakip noong Abril 23 ng mga operatiba ng BI’s Fugitive Search Unit (FSU) sa kanyang tirahan sa General Mariano Alvarez, Cavite matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa kanyang mga krimen mula sa U.S Homeland Security Investigations (HSI).
Si Talmadge ay may warrant of arrest na inisyu noong Marso 20, 2025, ng 13th Judicial Circuit Court ng Hillsborough County, Florida, para sa mga krimen ng Sexual Battery on a Victim Less Than 12 Years Old by an Adult, Lewd and Lascivious Acts on a Child, and Kidnapping to Commit a Child.
Ang mga kaso ay konektado sa isang kaso noong 1989 na kinasasangkutan ng pagdukot at panggagahasa sa isang 7-taong-gulang na batang babae sa Tampa, Florida.
Kinumpirma ng Florida Department of Law Enforcement (FDLE) ang isang tugma sa pagitan ng Talmadge at ng ebidensya ng DNA mula sa kaso noong 1989.
Dinala si Talmadge sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, kung saan mananatili siya sa kustodiya habang nakabinbin ang mga paglilitis sa deportasyon.
Samantala, inanunsyo din ng BI ang pag-kaaresto sina Kim Young Sam, 58 at Weon Cheolyong, 59 na kapwa South Korean at parehong pinaghahanap ng mga awtoridad ng Interpol at Seoul dahil sa pagkakasangkot sa multi-million dollar investment scam.
- Latest