Pamamahagi ng sample ballots sa midterm polls, ok sa Comelec

MANILA, Philippines — Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na pinahihintulutan na nila ang pamamahagi ng mga sample ballots ng mga kandidato at kanilang mga tagasuporta para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE) sa kondisyong walang logo ng ahensiya.
Sa isang media interview, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi naman nila ipinagbabawal ang mga bagay na makatutulong sa voters education subalit dapat na malinaw na hindi sa kanila galing ang mga sample ballot.
Nagbabala rin si Garcia na mahaharap sa kaukulang parusa ang mga tao o grupong mapapatunayang namamahagi ng sample ballots na kakikitaan ng Comelec logo.
“Iwasan nalang natin gumamit ng logo ng Comelec dahil hindi naman sa inyo ‘yun, sa amin ‘yun eh. So bakit pati logo ng Comelec gagayahin niyo pa. Kung gusto niyo gayahin niyo ang sample ballots, wala kaming problema,” ani Garcia.
Paalala pa niya, dapat na ring itigil ang pagpapamahagi ng sample ballots sa bisperas ng halalan, Mayo 11, at sa mismong araw ng halalan sa Mayo 12.
Samantala, tiniyak naman ni Garcia na ang mga naturang sample ballots ay hindi maaaring gamitin sa aktuwal na halalan dahil ang mga opisyal na balot ay nagtataglay ng mga security features na tanging ang mga automated counting machines lamang ang makakabasa.
- Latest